CIEN

Nakita ko kung paano namatay ang isang bata sa bahay na tinawag niyang kanlungan. Naalala ko pa rin ang kanyang mukhang nakikiusap at naghihinagpis. Ang kanyang munting mga kamay na nakatali sa kadiliman. Ang kanyang mga mata hindi huminto sa pagluha. Bakas sa kanyang katawan ang mga lamat at sugat na hindi mapapawi ng anumang gamot. Ang kanyang dugo na animo’y ginawang pintura sa sahig. Ang kanyang bibig na binusalan ng panyo nakikiusap na inhinto ng sinumang jablo ang nagpapahirap  dito. Sa araw na muntik niya na din akong patayin, nagawa ko kayang sumaklolo.

Naalala ko pa rin ang mga panahong nakikipagpatintero lang ang batang paslit sa mga motorsiklo sa kanto. Kung paano niya inakyat ang puno ng siniguelas at ginaya ang mga ibong dumadapo rito. Palagi siyang nagtatago sa antigong aparador ng kanyang lola’t lolo hindi alintana ang alikabok at mga gagambang naninirahan. Mukha siyang isang anghel sa langit, isang batang paslit na nangarap din na sa pagsapit lagi ng pasko, may mga regalong nakalagay sa punong tadtad ng pula at ginto. Sa mga araw na susunduin siya ng kanyang bumberong lolo at sasakay siya sa truck na minamaneho nito.

Hindi maipaliwanag ang imahinasyon na meron siya, na inukit ng kanyang mga munting crayola sa pader na pinalitadahan lamang ng pipitsuging semento. Hindi siya pinanganak na mayaman o pinalaki sa magarbong mansyon. Pero kung pagbibiyan mo siyang gumuhit sa papel tiyak kong isang payak na lamang na bahay-kubo sa kapatagan pinaliligiran ng dalawang bundok ang makikita dito. Tadtad ng mga bulaklak na kahawig ng mga kalachuchi. Kasama ang kanyang nanay, tatay at nakababatang kapatid.  Ang kanyang ngiti ay hindi kalianman kinupasan ng kulay kahit na mahilig siyang kumain ng matatamis at tsokolate. Naala ko parin ang dalang galak ng benteng papel sa kanyang mukha kung paano siya ngumiti sa puntong hindi na maaninag ang kanyang mga mata. Tanda ng isang paslit na busog na naman sa mga piso-pisong kendi sa tindahan at tatakbo ng mabilis dahil sa asong muntikan ng kinagat ang kanyang paanan.

Patuloy ko parin siyang pinagmamasdan sa mga araw na nakikipagpaligsahan siya sa ibang mga bata. Kung paano niya kinahiligan ang syensa at mahirapan at umiyak sa matematika. Nakita ko na siyang masugatan at madapa. At sa mga oras na yon hinayaan ko lang siyang matutong bumangon at punasan ang kanyang mga luha. Pero laking sisi kong sa mga oras na kinailangan niya ang kamay ko ay siyang aking pagbitaw.

Ilang taon na din ang nakakalipas, at hindi ko pa rin maiwasang balikan ang batang paslit na namatay sa silid na siyang kanyang kanlungan. Paano binulabog at hinaplos ng malalaking mga kamay ang kanyang mahimbing na pagtulog. At ang pagdampi ng kanyang labi sa labi ng isang jablo. Ginapusan gamit ang sarili niyang pan-itaas at binusalan sa silid na kahit siya’y sumigaw ay hindi maririnig . Nabubublunan siya at nasusuka sa bagay na hindi ko maipaliwanag sa kanyang mga sariling salita. At sa bawat pagtulak nito sa kanyang munting bibig ay para bang linalagutan siya ng hininga. Nakita ko kung paano tumakas ang kanyang luha sa kanyang mga mata. Kung paano nakikiusap ang kanyang maamong mukha na sana’y itigil na ang kanyang pagdurusa. Pero bingi na lang ang nakakarinig sa kanya, at ang inosenteng paslit na ang gusto lang naman ay maging maligalig ay nanlalambot' nilalamig sa kwartong sana’y hindi siya natatakot o nangangamba. Kinadyot ng walang pakundangan at bakas sa sahig ang dugo na kanyang katawan. Sinisentensyahan ba siya dahil palagi siyang naglalaro at masaya. Bakit sa oras na sana’y siya ay payapa ay tila ba’y sinaksak siya ng walang pagaalinlangan. Sa oras na tumila na ang lahat ay hinaplos niya ang aking mukha at pinakawalan ang kanyang huling hininga.

Sa mga araw na palagi nakikipagbunong-braso ang tahadhana sa aking kamay ay palagi akong natatalo. Sa mga araw na nag-iisa ako at sinasara ang ilaw ng aking payak na kwarto,  ang siyang pagdalaw ng batang paslit sa aking mga panaginip. Ang kanyang maamong mukhang pagod na pagod na ngumiti. Ang kanyang munting katawan na hindi na makaayat ang aparador at bibig na hindi na kayang kumain pa ng kendi at tsokolate. Isang batang, ang tanging gusto lang naman sa kanyang kaarawan nung lumalaki siya ay mapawi ang sugat sa kanyang nakaraan. Pero sa likod na mga regalo, pagbati at pagkain sa lamesa ay hinihiling parin niyang sana inosente pa rin siya. Sana dalawain ulit siya ng natatanging galak na pinagkait sa kanya ng kapalaran.  

Kaya sa aking paglaki sinikap kong hanapin lagi ang saya na hiniling niya. Sa mga parangal, medalya at papuri na aking natanggap ay ginagalang ko ang kanyang natatanging pangalan. Sa bawat batang aking nakakasalamuha ang hiling ko lang naman ay sana’y hindi nila maranasan ang pangungulila ng kasiyahan sa kanilang mga munting katawan. Dahil kung nandito parin ang batang iyon ngayon, siguro nagawa niya pang magpalipad ng sarangola o di kaya’y maglaro sa ulan gamit ang mga de papel na bangka. Palagi kong hahanapin ang pagkabata dahil sa kwentong ito hindi ko man lang na sulit ang sinasabi nilang natatanging kabanata. Hindi ko man lang magawang ngumiti sa araw ng aking pagtanda dahil naalala ko parin ang bawat araw na ninakaw sakin ng pabigla. Pinaglaruan ako ng realidad sa oras na sana’y naniniwala pa ako sa mahika.

Cien, alam kong kupas na ang kaligayan sa iyong puso. Pero andito parin ang katawang siyang nakasama mo sa bingit ng iyong pagdurusa. Mga matang nakita ang iyong luha ngunit nanlalabo na. Sa mga oras na hindi ko na kaya pwede bang sumama na lang ako sa iyo? Sa mga oras na hindi ko na rin maintindahan ang mundo pwede bang kunin mo na ako? Kasi kung ikaw ang siyang bukal ng kasiyahan ko pwede bang pawiin mo ang uhaw ko. Makipagsayawan tayo sa jablo at sabihing “hindi na ako natatakot sayo”


mahal na mahal kita, cien 




Comments